GMA naglaan ng P2 bilyon sa swine flu
MANILA, Philippines – Naglaan kahapon ang Arroyo government ng P2 bilyong national calamity fund sakaling makapasok sa bansa ang killer na Swine Flu virus na nagmula sa Mexico.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Anthony Golez, maliban sa inilaang pondo ay mayroon ding pondong magmumula sa Department of Health at Department of Agriculture.
Wika pa ni Usec. Golez, bagama’t itinaas ng WHO sa phase 5 ang alert level sa Swine flu, hindi dapat mangamba ang publiko dahil nakahanda ang contingency measures ng pamahalaan.
Samantala, kinatigan din ng Malacañang ang apela ng DOH sa mga kongresista na huwag nang ituloy ang biyahe nito sa US para manood ng laban ni Peoples champ Manny Pacquiao laban kay Ricky Hatton sa Las Vegas, Nevada sa darating na May 2.
Tiniyak ng Palasyo na sasailalim ang mga ito sa quarantine sa kanilang pagbabalik sa bansa kung sakaling maging positibo sila sa mga sintomas ng Swine flu.
Wika pa ni Golez, walang VIP treatment at magiging mahigpit ang pamahalaan sa surveillance at monitoring lalo sa mga airports at seaports.
Hindi naman makakapunta sa US si First Gentleman Mike Arroyo upang manood ng Pacquiao-Hatton fight dahil na rin sa advisory ng kanyang doctor. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending