MANILA, Philippines – May 50 porsiyento lamang ng mga pulis ang isasailalim sa gun proficiency test para higit pa silang mahasa sa pag-asinta sa mga tinutugis na elementong kriminal at wanted sa batas. Ito ang nilinaw kahapon ni Philippine National Police Chief Director General Jesus Verzosa matapos na ulanin ng mga pagpuna ang pulisya dahil 10 porsiyento lamang sa kabuuang 125,000 nitong puwersa ang mga sharpshooter na labis na lumikha ng alarma sa panig ng publiko.
Unang ibinunyag ni National Police Commission Commissioner Luis Mario General na 10 porsiyento lamang ng mga pulis ang asintado o tumatama sa mga target kaya dapat magsanay ang mga ito.
Nilinaw naman ni Verzosa na ang 10 porsiyentong tinutukoy ni General ay alinsunod lamang sa mataas na pamantayan ng International Defensive Pistol Association.
Sinabi niya na, kung ibabase sa pamantayan ng PNP, nasa 50 porsiyento lamang sa mga pulis ang dapat na magsanay pa sa paghawak at pag-asinta sa mga target. (Joy Cantos)