MANILA, Philippines – Nakatakda na namang umalis ng bansa si Pangulong Gloria Arroyo sa Mayo 1 na nataon sa pagdiriwang ng Labor Day upang magtungo sa Egypt at Syria.
Isang special working visit ang sasadyain ng Pangulo sa Egypt sa Mayo 2 at isang state visit sa Syria sa Mayo 3 at 4.
Nakatakdang dumalo ang Pangulo sa one-on-one meeting kay President Hosni Mubarak ng Egypt at makikipag-usap din ito sa Filipino community sa nasabing bansa at maging sa mga Egyptian businessmen na posibleng maglagay ng negosyo sa Pilipinas. Mula sa Cairo, ang Pangulo ay pupunta sa Damascus sa Syria para sa isang state visit dahil na rin sa imbitasyon ng Syrian government.
Ayon sa Malacañang, ang Syria at Egypt ang dalawa sa pinaka-maimpluwensiyang bansa sa Organization of Islamic Conference (OIC) at ng Arab League. Sa katunayan umano, ang headquarters at leadership ng OIC ay nakatayo sa mga nasabing bansa.
Ang Egypt umano ay ikinokonsiderang isa sa mga “most effective” at “efficient peace brokers” sa Islamic world.
Ipinunto ni Remonde na ang pagbisita rin ng Pangulo sa nasabing bansa ay pagpapakita na importante sa Pangulo ang paghahanap ng kapayapaan sa Mindanao. (Malou Escudero)