Smith sumibat na pa-US

MANILA, Philippines - Tumulak na kahapon pabalik sa Amerika ang naabsweltong si US Marine Lance Corporal Daniel Smith.

Ito ang kinumpirma kahapon ng US Embassy, isang araw matapos i-abswelto ng Court of Appeals (CA) si Smith sa kasong rape na isinampa laban sa kaniya ni Suzette Nicolas alyas Nicole.

Sa press statement na ipinalabas ng Embahada, pinangasiwaan umano ng US military officials ang pagbiyahe kay Smith pabalik ng US.

“Following the decision of the Philippine Court of Appeals, Daniel Smith departed the Philippines under the authority of United States military officials,” anang US Embassy.

Base pa sa pahayag ng embahada, nakarating na sa kanila ang desisyon ng CA na nag-aabswelto kay Smith sa kasong rape, at nirerespeto nila ito.

Iginiit din ng US Embassy na sa buong pana­hon na nakabinbin ang kaso laban kay Smith ay na­natili ito sa kanilang kustodiya bilang pagtu­gon sa isinasaad ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Sinabi pa ng Emba­hada na naging mahirap at emosyonal ang proseso ng kaso para sa lahat ng sangkot dito lalo na sa kani-kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.

Umaasa umano ang US Embassy na matapos ang naging desisyon ng CA, ang lahat ay makaka-move on na sa kani-ka­nilang mga buhay.

Magugunitang kama­ka­lawa lamang nang ipa­labas ng CA ang naging de­sisyon nito na nag-aabswelto kay Smith at nag-aatas nang agarang pagpapalaya dito.

Sa naging desisyon ng CA, sinabi nito na walang naipakitang ebidensyang magpapatunay na guma­mit ng pwersa at panana­kot si Smith kay Nicole nang sinasabing naganap ang panggagahasa.

Naniniwala ang CA na kapwa nadala ng kani-kanilang mga damdamin sina Smith at Nicole nang gabing maganap ang pag­tatalik at walang nang­yaring rape.

Samantala, hindi uma­­no dapat insultuhin ang mga mahistrado na nag­baba ng desisyon sa ac­quit­tal ni Smith dahil nag­pasiya umano ito alinsu­nod sa judicial process.

Reaksiyon ito ni Justice Secretary Raul Gonzalez kaugnay sa mga batikos na tinatanggap ng mga mahistrado hinggil sa pagpabor sa sundalong Kano.

Idinepensa din ng ka­lihim ang pamahalaan sa giit na walang pagku­kulang ang gobyerno dahil tinutu­kan at inalalayan naman ang biktimang si Suzette Nicolas sa simula pa lang.

Hinamon naman ng Ma­lacañang ang mga kri­tiko partikular ang mga militanteng grupo na patu­nayan nitong nakialam ang Palasyo kaugnay sa na­ging desisyon ng CA na nag-abswelto kay Smith sa Subic rape.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Lo­relei Fajardo, iginagalang ng Malacañang ang pagi­ging independent ng bawat sangay ng gobyerno kaya malabong makikialam ito sa kasong hawak ng judiciary.

Samantala, hindi pa umano tapos ang masak­ lap na karanasan ni Daniel Smith dahil haharap pa ito sa court martial proceedings sa kanilang military base sa Okinawa, Japan.

Ayon kay DILG Under­secretary Marius Corpus, mandato na umano ng kanilang kagawaran na harapin ni Smith ang court proceedings tulad ng tatlo pa kasamahan nitong sun­dalo na akusado rin sa kaso ni Nicole at ito ay naka­takdang gawin sa southern Japan.

Ang court-martial ay isang military court na mag­dedetermina sa kasalanan ng bawat miyembro na napatunayang guilty o na­dismis dahil sa kaso base sa ebidensya at kasong ipri­nisinta.(Rudy Andal, Ricky Tulipat, Ellen Fernando, Doris Franche)

Show comments