Daniel Smith absuwelto sa rape
MANILA, Philippines – Pinawalang-sala kahapon ng Court of Appeals ang sundalong Amerikanong si Lance Corporal Daniel Smith sa kasong panggagahasa sa Pilipinang si Suzette Nicolas, alyas Nicole, sa Subic noong Nobyembre 1, 2005.
Inutos ng CA sa pamamagitan ng desisyong inakda ni Associate Justice Monina Arevalo Zeñarosa ng Special Eleventh Division ang kagyat na pagpapalaya kay Smith sa pinagkukulungann nito sa US Embassy, Manila.
Pinawalambisa ng CA ang naunang desisyon ng Makati Regional Trial Court na nagsentensya kay Smith noong Disyembre 4, 2006.
Noong nakaraang buwan, binawi ni Nicolas ang kanyang testimonya at lumagda siya sa isang affidavit na nagsasaad na hindi siya sigurado kung ginahasa nga siya ni Smith dahil lasing siya nang mga oras na iyon.
Gayunman, napaulat na nagtungo sa US si Nicolas para doon na manirahan kasunod ng paglagda niya sa naturang affidavit. Sinabi ng CA na kumbinsido ang hukuman na walang naganap na panggagahasa.
Hindi umano nakitaan ng threat, intimidation at force ang naganap kina Nicolas at Smith sa kanilang “sexual encounter” lalo’t bigo rin ang tagausig na maghain ng ebidensiya ukol sa pamumuwersa kay Nicolas.
Isinantabi lamang ng CA ang recantation affidavit ni Nicolas na ginawa nito noong Marso 12 bago siya umalis patungong U.S..
Iginiit ni Zeñarosa na hindi nila pinansin at hindi umano naimpluwensyahan sa kanilang ibinabang desisyon ang una nang lumabas na draft resolution na isinulat ni CA Associate Justice Agustin Dizon kung saan sinasabing absuwelto rin si Smith.
Si Dizon ang unang humawak ng kaso ni Smith sa CA subalit inabutan na ito ng kanyang pagreretiro noong Hunyo 24, 2008 at hindi na naipalabas ang draft resolution at ang kaso ay naipasa naman sa 11th Division.
Dahil dito, maari nang makalaya si Smith at puwede nang alisin sa custody ng US Embassy. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending