Payo kina Villar at Lacson, mag-boksing, wrestling at mag-barilan na lang - Miriam

MANILA, Philippines - Pabirong pinayuhan kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago sina Senator Manuel Villar at Sen. Panflo Lacson na daanin na lamang ang away sa boksing, wrestling at barilan.

Nakatitiyak si Santiago na kung idadaan sa boksing ang labanan, malamang na manalo si Lacson dahil mas bata ito kaysa kay Villar, pero kung wrestling naman, posibleng si Villar ang manalo dahil mas malaki ito.

Sa third round ay puwedeng subukan naman umano nina Lacson at Villar ang barilan at posibleng kapwa mamatay ang dalawa.

Matatandaan na mainit ang naging sagutan nina Lacson at Villar sa plenaryo ng Senado kamakalawa dahil sa imbestigasyon ng ethics committee ng una tungkol sa double insertion sa C-5 project.

Pinanindigan ni Villar na kahit piso ay hindi siya kumita sa nasabing proyekto at sasagutin niya ang lahat ng akusasyon laban sa kanya pero hindi sa komite ni Lacson na tinawag niyang isang kangaroo court.

Kaugnay nito, sinabi ni Santiago na dapat boluntaryong mag-inhibit na lamang sa ethics committee ang mga miyembro na tatakbo sa 2010 presidential elections upang hindi mahaluan ng pulitika ang imbestigasyon lalo pa’t presidentiable din si Villar. (Malou Escudero)

Show comments