MANILA, Philippines – Inatasan kahapon ng Supreme Court ang mga abogado ng senten syadong rapist na sundalong Amerikanong si Daniel Smith na ipaliwanag kung bakit nagnotaryo sila ng affidavit ng biktimang si Suzette Nicolas.
Sa naturang affidavit na ininotaryo ng mga miyembro ng Sycip, Salazar, Hernandez and Gatmaitan law firm na nagdepensa sa akusado, binabawi ni Nicolas ang akusasyon niya na ginahasa siya ni Smith sa loob ng isang van sa Subic noong 2005.
Binigyan ng Mataas na Hukuman ng 10 araw ang mga abogado ni Smith para magpaliwanag.
Inatasan din ng Mataas na Hukuman si Court of Appeals Presiding Justice Conrado Vazquez na imbestigahan ang maagang pagkakalabas ng isang draft decision ng noo’y associate justice pa ng CA na si Agustin Dizon na nagdidismis sa kaso ni Smith.
Ayon sa mga petitioners na sina dating Senator Leticia Shahani, Mother Mary John Mananzan, Teresita Ang See, Gabriela at Bagong Alyansang Makabayan, nilabag ng nasabing law firm ang ethical and notarial rules dahil si Atty. Evalyn Ursua ang abogado ni Nicolas.
Iginiit ng mga petitioner na ang affidavit ni Nicolas ay hindi pagbawi sa testimonya nito sa Makati Regional Trial Court na naging dahilan para masentensyahan si Smith.
Idinagdag pa nila na ang abogado ni Smith ang siyang nagsumite sa CA ng bago nilang affidavit kung saan wala itong legal weight dahil tapos na ang trial at ang apela ni Smith ay submitted for resolution na upang maging bahagi ito ng record ng kaso. (Gemma Amargo-Garcia)