CCTV sa international schools dadagdagan
MANILA, Philippines – Nakatakdang maglagay ng mga Closed Circuit Televisions sa mga international school partikular na sa mga eskuwelahan ng mga Chinese ang National Capital Region Police Office kaugnay ng pag bubukas ng klase sa Hunyo.
Ayon kay Chief Supt. Benjardi Mantele, hepe ng Directorial Staff ng NCRPO, layunin nito na mapigilan ang mga kidnapping for ransom gang at maging ang mga elementong kriminal na makapambiktima ng mga estudyante.
Sinabi ni Mantele na ang paggamit ng makabagong teknolohiya ay kabilang sa konsepto ni NCRPO Chief Director P/Chief Supt. Roberto “Boysie “ Rosales kaugnay ng anti-criminality campaign.
Nabatid na karaniwan nang nagsasamantala ang mga kidnapper at iba pang masasamang ele mento sa mga international school upang makabingwit ng mga milyonaryong potensyal na bibiktimahin.
Inihayag naman ni Mantele na ang karagdagang CCTVs ay ipasasagot nila sa mga may-ari ng eskuwelahan at maging ng mga komunidad sa kanilang mga hurisdiksyong lugar sa Metro Manila. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending