MANILA, Philippines - Dahil sa umano’y sobrang init ng panahon kaya inatake sa puso ang isang 62-anyos na lolo sa harapan ng isang tindahan kamakalawa ng hapon sa Binondo Maynila. Hinihinalang may ilang oras nang patay bago umano madiskubre ang biktimang si Renato Sapno, nakatira sa kanto ng Recto at Tomas Alonzo Sts., Binondo, Maynila. Base sa ulat, dakong alas-5:30 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa harapan ng stall #753 Alonzo Mansion sa kanto ng T. Alonzo St., at Recto Ave. Kasalukuyan umanong naglalakad ang isang alyas Eugene nang mapansin nito ang nakabulagtang katawan ng lolo sa lugar. Tinangka pa umanong gisingin ni Eugene ang nasawi sa pag-aakalang natutulog lamang ito at nakaharang sa daanan, subalit laking gulat nito nang mapunang hindi na ito humihinga at nangingitim na ang katawan.
Dahil dito, kaagad niya itong pinagbigay-alam sa ilang opisyal ng barangay na siya namang nagbigay ng impormasyon sa pulisya. Ayon sa ilang saksi, naunang nakita ang biktima na naglalakad hanggang sa tila hapung-hapo at umupo sa nasabing lugar hanggang sa natagpuang patay kaya hinihinalang hindi nakayanan ang sobrang init ng panahon at inatake ito sa puso. (Gemma Amargo-Garcia)