MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na malapit nang matapos ang krisis sa kabuhayan dahil sa mga isinusulong ng Senado na programa para repormahin ang industriya ng kuryente.
Sineguro ni Enrile na seryosong tatalakayin ng Senado sa susunod na linggo ang kanyang dalawang panukala, ang SB 3147 at SB 3148, na parehong naglalayon na baguhin ang ilang probisyon ng RA 9136 o ‘Electric Power Industry Power Reform Act (EPIRA) of 2001,’ upang matiyak ang pagbaba ng presyo ng kuryente.
“Kapag mura ang kuryente, mas maraming foreign investors ang papasok sa bansa,” anang Senate President.
Ayon kay Enrile, ang mababang presyo ng kuryente ay agarang magbibigay ginhawa sa lahat ng mga gumagamit nito at makatutulong upang makalaban ang mga lokal na industriya, partikular ang ‘electronics sector’ sa pandaigdigang pamilihan.
Pinuna ni Enrile ang sobrang taas na presyo ng kuryente sa Pilipinas isa sa mga itinuturong dahilan ng mga kumpanyang dayuhan kung bakit umiiwas silang magnegosyo dito. Bagaman naghihirap o ‘third world country,’ mas mahal pa ang kuryente sa ‘Pinas kumpara sa halaga nito sa Japan.
Ani Enrile, ang mga repormang itinutulak niya ang magtitiyak na hindi magtatagal ang krisis sa ekonomiya na dala na rin ng ‘global financial crisis’ kung saan mahigit 30,000 manggagawa na sa electronics sector ang nawalan ng trabaho sa pagpasok ng 2009.
Kasabay nito, binigyang diin ni Enrile na walang panahon ang Senado na atupagin ang ‘charter change’ o ‘Cha-cha’ na pangunahin namang pinagkakaabalahan sa Kongreso.
“There is no time; it (cha-cha) should be debated fully, wisely and with the full knowledge of the public,” diin pa ni Enrile.
Ani Enrile, mas pabor sa interes ng taumbayan kung mga panukalang may kinalaman sa pagsalba sa ekonomiya at pagbibigay trabaho sa mamamayan ang pagka-abalahan ng Kongreso.
Sa ilalim naman ng kanyang panukala, binatikos ni Enrile ang gobyernong Arroyo dahil sa sobrang pagpapataw ng buwis sa presyo ng kuryente at kahit sa mga “ingenious sources of energy” katulad ng natural gas.
Sa pananaw ng mambabatas, panahon na upang ilagay lang sa tatlong porsiyento ang buwis (royalty) sa natural gas. Sa kasalukuyan, P1.42/kwh na binabayaran ng taumbayan sa presyo ng kuryente ay napupunta lang sa gobyerno bilang buwis sa nat-gas.
Ayon pa kay Enrile, panahon na rin upang alisin ng gobyerno ang sobrang buwis tulad ng income tax, EVAT at franchise tax sa mga kumpanya ng kuryente dahil taumbayan lang umano ang nagpapasan nito bilang ‘pass-on charges’ ng mga nasabing kumpanya.
Sa kanyang panukala, sinabi ni Enrile na sapat na ang tatlong porsiyentong franchise tax para sa mga kumpanya ng kuryente na hindi na nila kailangan pang ipasa sa mamamayan. (Butch Quejada)