MANILA, Philippines - May 22 pang Pinoy seamen ang binihag ng mga Somali pirates sa Gulf of Eden kamakalawa ng gabi.
Ang mga biktima ay lulan ng barkong M.V. Irene E.M. na patungo sa India nang harangin ito ng mga pirata sa naturang karagatan.
Naganap ang insidente kahit hindi pa napapalaya ang halos 100 tripulanteng Pinoy na naunang na-hijack ng mga piratang Somali.
Ayon kay Ed Malaya, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs, mula sa dating bilang na 98, umakyat na sa 120 Filipino seaman ang hawak ngayon ng mga Somali pirates.
Samantala, ikinokonsidera na ng Malacañang na pagbawalan ang mga Pinoy seamen na sumakay sa mga barkong dadaan sa Gulf of Aden sa Somalia.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na humihingi na sila ng rekomendasyon mula sa Department of Foreign Affairs at Department of Labor and Employment kung kailangan bang magpatupad ang gobyerno ng ban.
Tiniyak naman ni Ermita na hindi pababayaan ng gobyerno ang mga ito at mahigpit ang ginagawang monitoring sa hakbang ng mga manning agencies para mapalaya ang mga Filipino seafarers.
Lumiham na rin ang Pilipinas sa United Nations kaugnay sa tumataas na bilang ng nabibihag na Pinoy seamen sa Somalia. (Ellen Fernando/Rudy Andal)