Department of Health binira sa sinunog na peanut butter

MANILA, Philippines - Nilabag umano ng Department of Health ang Clean Air Act at Ecological Waste Management Act nang ipasunog ng DOH sa Taguig noong Martes ng nakaraang linggo ang 3,000 bote ng Yummy Sweet and Creamy Peanut Butter at Ludy’s Sweet and Creamy Peanut Butter na gawa ng Samuya Food Manufacturing Inc. at kontaminado ng nakaka­lasong Salmonella.

Ito ang akusasyon ka­hapon ng Ecological Waste Coalition Inc. na nagsabing nilabag ni Health Secretary Francisco Duque III ang batas laban sa incineration o pagsusunog.

Sinabi ni Ecowaste Coalition President Manny Calonzo na ipinagba­bawal ng naturang mga batas ang pagsusunog ng mga ma­panganib na ba­sura na magsisingaw ng nakaka­lasong usok.

Sinabi ni Calonzo na ang pagsunog sa mga kontaminadong peanut butter ay naglalabas ng ke­mikal na dioxin na maa­aring magdulot ng sakit na kanser.   

Dapat anyang itinapon na lamang sa tamang pamamaraan ang mga kontaminadong peanut butter nang hindi na lilikha pa ng lason sa hangin. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments