Binaril muna bago initak sa mata: Bihag pinugutan ng Abu

MANILA, Philippines - Brutal ang sinapit na kamatayan ng isang bi­hag na manggagawa ng isang rubber plantation matapos siyang pagba­barilin, tagpasin sa ulo at tusukin pa ng itak sa mata ng kaniyang mga kidnappers na bandi­dong Abu Sayyaf sa Lamitan City, Basilan, ayon sa opisyal ng Philippine Marines kaha­pon.    

Kinilala ni Marine Spokesman Captain Neil Anthony Estrella ang biktima na si Cosme Ca­balles, 40 anyos.  

“Karumal-dumal na pagpatay iyon. Tinagpas yung bihag sa ulo, may nakakabit pa na balat kaya di natanggal, pi­nag­tutusok pa sa mata,” sabi ni Es­trella na nag­dagdag na halos na­biyak ang ulo ng biktima base naman sa gi­na­wang kumpirmas­yon ng tropa ni 1st Marine Brigade Commander Brig. Gen. Rustico Guer­­rero.  

Ayon kay Estrella, nagtungo mismo sa lu­gar ang mga tauhan ng Philippine Marines na siyang nakakita sa brutal na sinapit ng biktima na ang bangkay ay na­kuha sa Sitio Manawit, Barangay Bohe Sapa, Lamitan City ng lala­wigan dakong tang­hali kamakalawa.  

Pinaniniwalaan na­mang walang pamba­yad ng ransom kaya brutal na pinaslang ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Fu­ruji In­dama ang nasabing bihag.  

Taliwas naman ito sa sinabi ni Basilan Provincial Police Office Director Sr. Supt. Salik Maca­pan­tar sa pagsasabing hindi pinugutan ng ulo kundi pinagbabaril la­mang ng mga kidnapper ang bik­tima.    

Si Caballes at ang isa pang bihag na si Erman Chavez ay ki­ nidnap ng grupo ni In­dama matapos suma­lakay ang mga bandido sa isang rubber plantation sa Brgy. Upper Arco ng lungsod. Na­na­tili pa ring bihag ng mga ban­dido si Chavez sa ka­bundukan.


Show comments