Binaril muna bago initak sa mata: Bihag pinugutan ng Abu
MANILA, Philippines - Brutal ang sinapit na kamatayan ng isang bihag na manggagawa ng isang rubber plantation matapos siyang pagbabarilin, tagpasin sa ulo at tusukin pa ng itak sa mata ng kaniyang mga kidnappers na bandidong Abu Sayyaf sa Lamitan City, Basilan, ayon sa opisyal ng Philippine Marines kahapon.
Kinilala ni Marine Spokesman Captain Neil Anthony Estrella ang biktima na si Cosme Caballes, 40 anyos.
“Karumal-dumal na pagpatay iyon. Tinagpas yung bihag sa ulo, may nakakabit pa na balat kaya di natanggal, pinagtutusok pa sa mata,” sabi ni Estrella na nagdagdag na halos nabiyak ang ulo ng biktima base naman sa ginawang kumpirmasyon ng tropa ni 1st Marine Brigade Commander Brig. Gen. Rustico Guerrero.
Ayon kay Estrella, nagtungo mismo sa lugar ang mga tauhan ng Philippine Marines na siyang nakakita sa brutal na sinapit ng biktima na ang bangkay ay nakuha sa Sitio Manawit, Barangay Bohe Sapa, Lamitan City ng lalawigan dakong tanghali kamakalawa.
Pinaniniwalaan namang walang pambayad ng ransom kaya brutal na pinaslang ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama ang nasabing bihag.
Taliwas naman ito sa sinabi ni Basilan Provincial Police Office Director Sr. Supt. Salik Macapantar sa pagsasabing hindi pinugutan ng ulo kundi pinagbabaril lamang ng mga kidnapper ang biktima.
Si Caballes at ang isa pang bihag na si Erman Chavez ay ki nidnap ng grupo ni Indama matapos sumalakay ang mga bandido sa isang rubber plantation sa Brgy. Upper Arco ng lungsod. Nanatili pa ring bihag ng mga bandido si Chavez sa kabundukan.
- Latest
- Trending