104 Pinoy sa Somalia na-trap!
MANILA, Philippines - Nanganganib ang mahigit 100 tripulanteng Pinoy na kasalukuyang hostage sa Somalia makaraang maipit sa isinasagawang rescue operations ng United States military warships upang sagipin ang isang American ship captain na tinangay ng mga pirata sa Gulf of Aden noong nakalipas na linggo.
Dahil sa nasabing standoff, umapela ang pamahalaan sa pamamagitan ni Vice President Noli de Castro, tumatayo ring Presidential Adviser on the overseas Filipino workers affairs, na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipinong bihag sa Somalia.
Binigyang-diin ni de Castro na bagaman mainam ang isinasagawang military action ay marapat na dumaan ito sa konsultasyon ng United Nations upang makaani ng mas maraming suporta mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon sa report, kumikilos na ang mga US warships sa Gulf of Aden upang i-rescue ang US ship captain na si Richard Phillips, 53, ng Underhill, Vermont.
Tanging si Phillips ang nadukot nang umatake ang mga pirata sa sinasakyang 17,000-ton US-flagged Maersk Alabama vessel kasama ang 20 pang US sailors. Iniligtas ni Phillips ang 20 US crew nang mag-isang sumuko ito sa mga pirata at binigyan ng instruksyon ang mga kasamahan na magtago sa kani-kanilang cabin.
Nabigo ang mga pirata na ma-hijack ang barko dahil mas kokonti ang mga ito kumpara sa mga US seamen pero natangay ng apat na pirata si Phillips sakay ng isang lifeboat. Ang nasabing barko na pag-aari ng Maersk Shipping Line ay may kargang relief foods na ide-deliver ng mga US seamen para sa mga mahihirap sa Somalia, Rwanda at Uganda.
Tinutugis na ng 2 US warships na sinusundan ng US Navy surveillance aircraft ang bangka kung saan sakay ang apat na pirata at ang dinukot na kapitan.
Dahil sa pag-atake ng US forces, napilitan umanong mag-alsa ang mga pirata na may hawak naman sa mahigit daang Pinoy seamen, at iba pang tripulanteng hostages mula sa Russia at Germany.
Nagbigay na rin ng babala ang US Navy sa iba pang barko na umiwas na makalapit sa lugar kung saan isinasagawa ang rescue operations.
- Latest
- Trending