MANILA, Philippines - Papalapit na nang palapit ang tropa ng militar na nagkokordon sa pinagtataguan ng mga ban didong Abu Sayyaf na bumibihag sa dalawa pang miyembro ng International Committee of the Red Cross sa Sulu.
Ito ang inihayag kahapon ni Sulu Governor Abdusakur Tan, pinuno ng ICRC Crisis Management Committee.
Una nang sinabi ni Tan na inaasahang mapapalaya na sa loob ng linggong ito o sa susunod na mga araw ang mga bihag.
Kaugnay naman ng sinasabing paghingi ng $5 milyong ransom ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad kapalit ng kalayaan nina Swiss national Andreas Notter at Italian national Eugenio Vagni, sinabi ni Tan na wala sa patakaran ng gobyerno ang magbayad ng ransom .
Ang tropa ng pamahalaan sa Sulu ay binawalan munang magbakasyon ng Joint Task Force Comet ngayong Semana Santa sa layuning matapos muna ang problema sa Sulu hostage crisis .
Ayon kay Tan ang patuloy na paglapit ng tropa ng militar sa kuta ng mga kidnappers ay naglalayong palakasin pa ang ‘military pressure’ upang pakawalan na ng mga ito sina Notter at Vagni. (Joy Cantos)