Lindol sa Italy, 129 Pinoy nawalan ng bahay
MANILA, Philippines - May 129 Pilipino sa Italy ang nawalan ng tahanan nang gumuho ito sa naganap na lindol sa naturang bansa na ikinamatay ng may 179 katao noong Biyernes.
Isa ring Pilipino na si Jefferson Pugal, 31 anyos, tubong Ilocos Sur, ang kabilang sa mga nasugatan sa lindol na may lakas na 6.3 magnitude at higit na nagpayanig sa L’Aquila City sa central Italy.
Ayon sa DFA, si Pugal na nagtatrabaho bilang construction worker sa Italy ay nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang mabagsakan ng konkreto ng gumuho nitong bahay. Siya ay kabilang sa naitalang 1,500 katao na naisalba ng Italian rescuers.
Sa tala ng embahada ng Pilipinas, may 330 Pilipino ang nakatira sa Central Italy at hindi bababa sa 129 Pinoy naman ang naninirahan sa L’Aquila City kung saan tumama ang 95 kilometrong sentro ng lindol.
Ayon kay Leonor Ascano, may limang taon ng naninirahan sa Italy ang kanyang pamangking si Jef ferson (Pugal) kasama ang asawang si Sophia Bermudez at 4-taong gulang na anak na si John Paul.
Nanawagan sa pamahalaan ang mga Pilipinong nawalan ng tirahan at ngayon ay nasa tent camp sa L’Aquila City na magpadala ng karagdagang tulong tulad ng pagkain at kasuotan.
Nagpadala na ang mga kinatawan ng embahada sa evacuation site sa L’Aquila upang saklolohan ang mga Pilipino na kasalukuyang nasa pangangalaga ng local na awtoridad doon.
- Latest
- Trending
















