7 personalidad isinabit sa pagdukot sa 3 ICRC worker
MANILA, Philippines – Pitong personalidad na kinabibilangan ng tatlong pulis ang sinampahan na ng kasong kriminal dahil sa pakikipagsabwatan umano sa mga bandidong Abu Sayyaf sa pagdukot sa tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross sa lalawigan ng Sulu, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni Supt. Jose Bayani Gucela, tagapagsalita ng Directorate for Integrated Police Office –Western Mindanao na kabilang sa mga kinasuhan sina SPO3 Muhilmi Ismula, ng Sulu Provincial Police Operations Intelligence Section, PO2 Marcial Ahajan ng Indanan Municipal Police Station at SPO1 Sattal Jadjuli ng Patikul MPS.
Ang iba pa ay sina Alano Mohammad, chairman ng Brgy. Kanaway, Parang; Julhassan Awadi, barangay chairman ng Sawaki, Indanan; Hadjirul Bombra at Ibnogajir Hadjirul. (May kaugnay na ulat sa pahina 7 ng pahayagang ito)
Sinabi ni Gucela na si Ismula ay napag-alamang pinsan ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad na siyang may hawak sa dalawa pang bihag na sina Swiss national Andreas Notter at Italian national Eugenio Vagni.
Ang mga suspeck na hawak na ng Criminal Investigation and Detection Group ay sinampahan ng kasong kidnapping for ransom with serious illegal detention sa Zamboanga City Prosecutor’s Office .
Sinabi ni Gucela na ang mga suspek ang siya umanong nagbigay ng ‘logistic support’ sa Abu Sayyaf upang dukutin ang tatlong ICRC members noong Enero 15 sa Patikul, Sulu.
Isa sa mga bihag, si Mary Jean Lacaba na isang Pilipina ay nasagip ng militar noong nakaraang linggo.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na ang mga suspek ay kadugo ng mga matataas na lider ng Abu Sayyaf kung saan ang Misis ni Ahajan ay dating asawa ng napaslang na si Commander Mujiv. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending