Chip Tsao aalisin sa BI blacklist
MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng gobyerno na alisin na sa blacklist ng Bureau of Immigration si Hong Kong columnist Chip Tsao matapos itong humingi ng apology sa mga Filipino kaugnay ng kanyang nasulat na ang Pilipinas ay “nation of servants”.
Sinabi ni DFA spokesman Eduardo Malaya, baka hilingin ng DFA kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan na alisin na ang entry ban laban kay Tsao dahil inirekomenda na rin naman ng Philippine Consulate General na alisin na ang blacklist order dahil sa ginawa nitong paghingi ng paumanhin.
Magugunita na nag-isyu ang BI ng Immigration Order 09-219 na nagbabawal kay Tsao na makapasok sa bansa dahil sa ginawa nitong panlalait sa mga Pinoy.
Ani Libanan, aalisin lamang ang blacklist order kay Tsao kung personal itong hihingi ng public apology.
Sinabi pa ni Libanan na sa sandaling ma-lift ang blacklist order at magdesisyon si Tsao na bumisita sa bansa, ay siya pa mismo ang sasama dito para ilibot ang dayuhan sa magagandang lugar dito sa Pilipinas.
Patutunayan umano niya sa kolumnista na hindi “nation of servants” at sa halip ay “nation of professionals” ang Pilipinas. (Rudy Andal/Mer Layson)
- Latest
- Trending