Nakiisa na si Department of Education Secretary Jesli Lapus sa panawagan ng mga guro at empleyado ng ahensya na kumawala na sa kamay ng Government Service Insurance System (GSIS) dahil sa napakarami umanong kapalpakan nito.
Sinabi ni DepEd-National Employees Union president Atty. Doming Alidon na nakausap na nila si Lapus na nagpahayag ng suporta sa kanilang aksyon na lu mikha ang Kongreso ng hiwalay na “insurance body” para sa mga guro, DepEd employees at maaring isama rin ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Sinabi nito na nais na nilang kumawala sa GSIS dahil sa problema sa “premium based policy at “Claims and loan interdependency policy (CLIP) ng ahensya kung saan napakataas ang sinisingil na interes sa mga utang, hindi angkop na retirement benefits, mabagal na pagsingil sa kontribusyon at pagsususpinde ng mga transaksyon kabilang na ang housing loans.
Kung hindi umano ito maisasakatuparan, hinihiling nila sa Kongreso na amiyendahan na lamang ang batas na lumikha sa GSIS upang madagdagan sa lima ang kanilang kinatawan sa GSIS board.
Nabatid na binubuo ng 500,000 empleyado ng DepEd ang higit sa 30% bilang ng kabuuang mga miyembro ng GSIS kung saan aabot sa P375 milyon kada buwan o P4.5 bilyon kada taon ang kanilang naibibigay na kontribusyon. (Danilo Garcia)