MANILA, Philippines - Masuwerte ang HK columnist na si Chip Tsao dahil meron siyang isang katulong sa bahay na isang Pilipina na merong degree sa international politics at graduate sa University of Manila.
Ito ang pasaring kahapon ng negosyanteng si Joey de Venecia III kasabay ng pagsasabing nakakausap ni Chip Tsao sa intelihenteng paraan ang katulong nitong pinangalanang Louisa na hindi magagawa ng naturang kolumnista kung ang katulong nito ay nagmula sa mainland China.
Sinabi ni de Venecia na bagaman may kanya-kanyang opinyon ang mga manunulat, hindi tamang manlait ng tao ang mga ito at hindi nakakatawang maliitin at kutyain ang 130,000 Pilipinong domestic helper sa Hong Kong.
Pinuna rin ni de Venecia na walang silbi ang pagba-blacklist ng pamahalaan kay Chip Tsao kasunod ng komentaryo nito na isang bansa ng mga alila ang Pilipinas dahil wala namang interes na magtungo rito sa bansa ang naturang mamamahayag. (Butch Quejada)