Pagawaan ng pirated DVDs sinalakay ng PASG
MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga operatiba ng Presidential Anti-Smuggling Group at Optical Media Board ang isang optical disc factory na inooperate ng Malaysian national na si Teo Choon Tiong at mga Filipinong sina Lourdes Manueal at Ramil Ritua.
Ayon kay PASG Head Undersecretary Antonio “Bebot” Villar Jr., ni-raid ang dalawang palapag na bahay ng mga suspek sa #71 De Jesus st., Brgy. San Antonio, San Francisco del Monte, Quezon City kung saan nakuha dito ang dalawang optical replicating machines na nagkakahalaga ng P100M.
Sinabi pa ni Villar na tatlong buwan isinailalim sa surveillance operation ang nasabing mga suspek at ang bahay nito. Bukod sa mga replicating machines, nakuha din ng PASG ang dalawang binding machines, printing machines, plastic dryer at iba pang parapernalias sa paggawa ng pirated discs.
Ang nasabing factory ay pag-aari ni Trajano Tin Fu alias Ahok kung saan sasampahan ito ng kasong paglabag sa Copyright Law and Republic Act 9239 o Optical Media Act of 2003 dahil sa pag-ooperate ng di lisensiyadong optical disc factory.
Naniniwala rin si Villar na ipinuslit papasok ng bansa ang mga nasabing replicating machines at tiyak na ilang opisyal ng Bureau of Customs ang nakipagsabwatan sa mga ito. (Rudy Andal/Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending


















