Kongresista na pro-Chacha bawal pumunta sa Senado

MANILA, Philippines - Kung si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel ang masusunod, nais nitong pagbawalan na pumunta pa sa Senado ang mga kongresista na magtungo pa sa Senado.

Sinabi ni Pimentel na maliwanag ang ginagawang pambabastos ng mga alipores ni Speaker Prospero Nograles sa mga senador kaya wala na ang mga itong karapatan na dumalo sa mga bicameral conference committee hearing.

Apektado na aniya ngayon ang tinatawag na inter-chamber courtesy kung saan dapat umiral ang paggalang sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Naniniwala si Pimentel na sa pagbabalik ng sesyon ng Senado ay maaapektuhan ang mga isasalang na hearing dahil posibleng suportahan ng iba pang senador ang panawagan niyang pagbawalan nang pumunta sa Senado ang mga congressmen na nag-iitsapuwera sa Senado sa pagsusulong ng Charter Change o Cha-cha.

Ayon pa kay Pimentel, dapat magdahan-dahan ang mga mambabatas sa nasabing usapin dahil posibleng ito ang maging ugat ng kaguluhan hindi lamang sa pagitan ng House of Representatives at Senado kundi pag-ugatan din ng galit ng mga mamamayan.   (Malou Escudero)


Show comments