MANILA, Philippines - Itinanggi ng mga bandidong kidnaper na patay na ang isa sa tatlong guro dahil sa karamdaman nito matapos kumalat ang ulat ng pagkasawi nito dahil sa hindi pag-inom ng kanyang mga gamot.
Sinabi ni Task Force Bangkaw-bangkaw chief, Sr. Supt. Federico Castro, tumawag ang mga kidnaper sa pamamagitan ng isang alyas “Bobby” dakong alas-10:30 kahapon ng umaga upang pabulaanan ang ulat ng pagkasawi ng gurong si Noime Mande matapos na iere ito sa radio ng mga lokal na broadcaster.
Hindi naman kumbinsido si Castro dahil sa tumanggi pa rin ang mga kidnaper na pinamumunuan ni Kamsa Hsdasal na ipakausap sa telepono si Mande upang patunayan na buhay pa nga ito.
Patuloy namang iginigiit ng mga kidnaper na pinaniniwalaang mga pirata, ang hinihingi nilang P10 milyong ransom kapalit ng pagpapalaya kay Mande, Jocelyn Inion at Jocelyn Enriquez. Dinukot ang tatlong guro nitong Marso 13 sa Brgy. Bangkaw-bangkaw, Naga, Zamboanga Sibugay at pinaniniwalaang itinatago sa may Tipo-Tipo, Basilan.
Unang sinabi ni Castro na lahat ng indikasyon sa mga impormasyong kanilang nakakalap ay tumuturo sa posibleng pagpanaw ni Mande na sumailalim sa operasyon sa “cyst” bago pa man ito dinukot.
Inaasahan naman umano ng mister ni Mande na si Elmer ang paglala ng kundisyon ng kalusugan ng kanyang asawa dahil sa tatlong linggo nang hindi pag-inom ng gamot ngunit nais rin nitong makakuha ng ebidensya ng bangkay nito bago maniwala sa kamatayan nito. (Danilo Garcia)