MANILA, Philippines - Inirekomenda kahapon ni Vice President Noli de Castro na tuluyan nang alisin ang pagbabawal sa mga OFWs na magtungo at magtrabaho sa Lebanon matapos ang tatlong taong deployment ban.
Ayon kay de Castro, tumatayo ring Presidential adviser on overseas Filipino workers affairs, ang pag-lift o pagtatanggal ng deployment ban sa Lebanon ay makakatulong sa mga manggagawang Pinoy na nawalan ng trabaho lalo na ang mga Pinoy workers na nagmula at nasibak sa trabaho sa ibang bansa bunga ng hagupit nang nararanasang global financial crisis.
Sa isang pagpupulong sa pagitan ni de Castro at mga miyembro ng Gabinete sa tanggapan ng Bise Presidente sa Pasay City, sinabi nito na panahon na upang ma-lift ang ban sa Lebanon.
Ang hakbang na alisin na ang deployment ban sa Lebanon para sa mga Pinoy workers ay kasunod sa matagumpay na pagtaya at rekomendasyon ng grupo ni Presidential envoy to the Middle East Roy Cimatu na nagtungo pa sa Gitnang Silangan kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan nitong nakalipas na buwan upang i-assess ang kasa lukuyang sitwasyon sa Lebanon at iba pang bansa na may ipinatutupad na deployment ban.
May tatlong taon ding ipinagbawal ang pagpapadala ng mga OFWs nang sumiklab ang karahasan sa Lebanon na nagsimula noong 2003 na nagbunsod ng repatriation o pagpapauwi sa libu-libong OFWs na naipit at naapektuhan sa bakbakan. (Ellen Fernando)