MANILA, Philippines - Kung ngayon gagawin ang pampanguluhang halalan, magiging mahigpit ang labanan sa pagkapangulo nina Vice Pes. Noli de Castro at dating Senate President Manny Villar, batay sa pinakabagong survey ng Pulso ng Pilipino (The Center).
Sa naturang survey na ginawa para sa unang bahagi ng 2009 (March 2-6), na may 1,200 respondents sa buong bansa, nakakuha si De Castro ng 18 porsyentong boto, kontra sa 16 porsyentong boto para kay Villar.
Sumunod naman sina Francis Escudero (15%,), dating pangulong Joseph Estrada (13%) at Loren Legarda (12%).
Nasa malayong ika-anim na puwesto naman si Mar Roxas (6%), kasunod sina MMDA chairman Bayani Fernando (5%), Ping Lacson (4%), Richard Gordon (4%) at Makati Mayor Jejomar Binay (3%).
Bagaman itinuturing na magkakadikit ang ratings ng nangungunang limang “presidentiables,” lumilitaw na sina de Castro at Villar ang nanguna sa labanan sa geographical preference.
Si Villar ang paborito ng mga Filipino sa Visayan region at mga nasa class ABC. (Butch Quejada)