MANILA, Philippines - Posibleng magtagal pa ang iringan sa pagitan ng mga opisyal ng National Printing Office (NPO) at ng ilang suspendidong security personnel na nagkakalat ng maling impormasyon.
Tiniyak kahapon ni dating NPO Director Dionisia Valbuena na ipinaalam na nila kay NPO Chief Servando Hizon ang pagtutol sa legal opinion ni dating Deputy Secretary Manuel Gaite na nagtatakda na hindi na dapat idaan sa NPO ang anumang pagkuha ng kontrata sa mga printing jobs ng gobyerno.
Dahil sa pahayag na ito umalma ang mga legal experts ng NPO dahil sa pangambang magamit lang Ito sa katiwalian at korupsyon dahil tiyak umanong magpapalusot ng sobrang kopya ng mga accountable forms ang Ilang mga tiwaling opisyal at kawani ng gobyerno.
Ang mga printing jobs ng pamahalaan, tulad ng resibo, rehistro at ilang pang mga dokumento ay nagtataglay umano ng ‘security features’ at kung mawawala ang NPO bilang ‘bantay,’ asahan na raw ang pagpiyesta ng mga sindi kato sa pamahalaan.
Itinikom naman ni Valbuena ang bibig laban sa suspendidong kompanya na Ready Forms Inc. na siya umanong promotor sa pagpapakalat na wala ng karapatan ang NPO na humawak ng anumang kontrata ng mga printing office.
Sa problemang ito ay umaasa ang mga kawani ng NPO na reresolbahin at magkakaroon ng matibay na paninindigan si Hizon na isang retiradong heneral mula sa Philippine National Police (PNP).
Nagpahiwatig naman si Valbuena na bukod sa pagsuspindi sa Ready Forms, inaasahan nilang tuluyan itong ipa-blacklist bilang ‘accredited printer’ ng bagong administrasyon ng NPO. (Butch Quejada)