MANILA, Philippines - Nanawagan sa Malacañang ang mga security printers ng National Printing Office na dapat magkaroon muna ng konsultasyon sa mga stakeholders nito upang matiyak na hindi magagamit sa korupsiyon ang mga accountable forms na ini-imprenta dito.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 04-09 na ipinalabas ni NPO-Officer-in-Charge Director Dionisia Valbuena, may kapangyarihan ang kanyang tanggapan na magpakontrata sa mga security printers batay sa section 27 ng Republic Act 9401.
Ayon sa mga empleyado, mas malapit umano sa korapsiyon kung sakaling totoo ang ipinalabas na balitang naglabas ng legal opinion si dating Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Manuel Gaite na puwede nang hindi magpa-sub contract biddings ang NPO.
Anila, mas magiging madali ang korupsiyon kung ang mga accountable forms ay wala na sa kontrol ng NPO.
Kasabay nito, pinaratangan ni Valbuena ang Ready Form Inc., na siyang nagpapakalat ng balitang walang hurisdiksiyon at control ang NPO sa anumang printing jobs sa mga ahensiya ng pamahalaan.