MANILA, Philippines - Kahit may balak sumabak sa halalang pampanguluhan, sinabi kahapon ni Senador Francis “Chiz” Escudero na aprubado sa kanya ang pagtakbo ni Pampanga Governor Ed Panlilio sa presidential race sa 2010 tungo sa good governance.
“Lahat tayo ay panalo kay Among Ed,” sabi ni Escudero na tahasang sumuporta sa planong isulong ang tambalan nina Panlilio at Isabela Governor Grace Padaca sa halalang pampanguluhan.
Sinabi naman ni Senador Francisco Pangilinan na hindi dapat pigilan ang pagkandidato ng dalawa sa mas mataas na posisyon kung mabuti naman ang kanilang hangaring mabago ang pamamalakad sa gobyerno.
“Kung siya (Panlilio) ang mananalo, wala tayong talo,” sabi ni Escudero
Pero sinabi rin nito na magdedesisyon siya kung tatakbo o hindi pagsabit ng kanyang ika-40 kaarawan sa Oktubre 10.
Idiniin naman kahapon ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales na hindi niya i-endorso ang sinumang pari na nais na tumakbo sa darating na halalan sa taong 2010.
Ito ang naging pahayag ni Rosales kaugnay sa ulat na ilang grupo ang nagsusulong sa kandidatura ni Panlilio na isang aktibong pari bago nahalal na gobernador.
“Ayaw kong makialam dyan sapagkat pulitika yan,” pahayag pa ni Rosales sa isang panayam ng church-run Radio Veritas.