Unemployment lolobo pa
MANILA, Philippines - Inamin ni Labor Secretary Marianito Roque na mas lalo pang tataas ang unemployment rate ng bansa sa loob ng limang buwan bunga na rin ng pagdagsa mga magsisipagtapos sa kolehiyo.
Ayon kay Roque, itinuturing na “normal cycle” ang sitwasyon at inaasahan na nila ito dahil mula Abril hanggang Agosto ay hindi pa rin nakakahanap ng trabaho ang mga bagong graduates.
Sa panayam, sinabi ni Roque na tinatayang aabot sa 500,000 mag-aaral ang magsisipagtapos. Sa buwan naman ng Oktubre inaasahang magiging maayos na ang unemployment rate kung hindi magiging mapili sa trabaho ang mga graduates.
Nabatid kay Roque na sa public sector ay mayroong 700,000 bakanteng trabaho para sa mga graduates at walang trabaho ngayong taon bagama’t dumaranas ng global economic crisis.
Kabilang na rito ang mga trabaho sa Department of Public Works and Highways, sa Emergency Employment Program ng pamahalaan at ang Nurses Assigned in Rural Areas (NARS) program.
Sa panig naman ng mga private sector, posibleng umabot sa isang milyon ang job opening ngayong taon.
Maaari din namang tumingin sa website na phil-jobs.net ang sinumang nais na makapagtrabaho dahil umaabot naman sa 56,000 ang bakante. Karamihan sa mga ito ay sa call center industry, services, retail trading at tourism. (Doris Franche)
- Latest
- Trending