Mancao 'pinilit' idiin si Lacson
MANILA, Philippines - Bahagi umano ng “deal” na pinasok ni dating Senior Superintendent Cezar Mancao II sa administrasyong Arroyo upang gawin itong state witness ay ang pagsasangkot kay Senador Panfilo Lacson sa Dacer-Corbito murder case.
Ito ang tahasang sinabi kahapon ni Sen. Lacson kasabay ang muling pagtanggi sa bintang na nakapaloob sa nalathalang affidavit ni Mancao na siya ang nag-utos na ipapatay sina Salvador “Bubby” Dacer at ang kanyang kaaway na si dating police general Reynaldo Berroya.
“Di naman siguro ako istupido para magbigay ng instruction sa isang tao na may mga witnesses na hindi concerned sa instruction,” ani Lacson kaugnay sa akusasyon sa kanya na ipinag-utos niya ang pagpatay kina Dacer at Berroya habang sakay ng isang kotse noong 2000.
Sinabi ni Lacson na maliwanag na may tangka talaga na isangkot siya sa kaso kahit wala naman aniya siyang motibo na patayin si Dacer at maging ang driver nito na si Emmanuel Corbito.
“I can only surmise na yung deal o anumang struck na deal between Cezar Mancao and ng administrasyon, kasama sa deal na bago siya pumasa as state witness kailangan ma-implicate ako at mag-implicate ng ibang tao,” sabi ni Lacson.
Ayon pa kay Lacson, bilang hepe ng Philippine National Police at Presidential Anti-Organized Crime Task Force nang mangyari ang krimen, dapat siya ang nakatanggap ng utos mula sa Malacañang.
“Ako ang hepe ng opisina, kung may ganyang kaselan na bagay eh dapat sa akin ibigay ang instruction,” sabi ni Lacson.
Ayon pa kay Lacson, tinawagan siya ni Mancao noong Oktubre 2008 at nagsumbong kung saan sinabi umano ng huli na tinawagan ito ni Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) head Brig. Gen. Romeo Prestoza na nangako umano na ibabalik sa dating posisyon at ilalagay sa witness protection program kapalit ang pagsabit kay Lacson sa kaso.
Naniniwala si Lacson na hindi pipirma si Mancao sa isang affidavit na hindi totoo ang laman.
Lalong hindi umano totoo na siya ang nag-utos kina Mancao at dating Senior Superintendent Michael Ray Aquino na magtungo sa America at siya na ang bahala sa buwanang allowance ng mga ito.
- Latest
- Trending