MANILA, Philippines - Mahaharap sa kasong Falsification of Documents si Vice Pres. Noli de Castro dahil sa hindi umano pagdedeklara sa mga naging donasyon sa kanya ni Celso delos Angeles para sa kanyang pangangampanya noong 2004 elections.
Ito ang inihayag ni Justice Sec. Raul Gonzalez kasunod ng mga ulat ng umano’y pagtatago ni de Castro ng mga naging pangpinansiyal na kontribusyon sa kanya ni delos Angeles noong panahon ng kampanya.
Ayon kay Gonzalez, sa ilalim ng COMELEC rules dapat na iniuulat ng isang kandidato ang mga tinatanggap nitong campaign contributions.
Kapag hindi umano ito ginawa ng isang kandidato ay maaari siyang sampahan ng kaso.
Gayunman ay sinabi ng kalihim na hindi naman tama na batuhin ng kung anu-anong alegasyon ang Bise Presidente dahil hindi pa naman kumpirmado ang katotohanan ng mga naglabasang ulat. (Gemma Garcia)