BAGUIO CITY , Philippines - Nagpalabas ng P125 milyon si Pangulong Arroyo mula sa President’s Social Fund (PSF) para sa housing at livelihood program ng mga pamilya ng nasugatan at nasawing sundalo sa pagtatanggol sa mga kaaway ng estado.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang mensahe sa ika-104th graduation rites sa Philippine Military Academy (PMA) na pinangunahan ng Masiglahi Class, ramdam niya ang paghihirap ng mga Filipino lalo na ang pamilya ng mga sundalo.
Bukod sa housing program para sa pamilya ng mga disabled at killed-in-action soldiers ay magkakaloob din ang gobyerno ng P180,000 cash assistance sa mga ito.
Binati din ni Pangulong Arroyo ang 184 na nagtapos sa Masiglahi Class sa pangunguna ng valedictorian nitong si Karl Winston Cacanindin ng Aurora province.
Umaasa ang chief executive na ang mga bagong graduates ng PMA ay magsisilbi ng tapat at ipagtatanggol ang Konstitusyon ng bansa.
Wika pa ng Pangulo, hindi dapat masayang ang investment ng gobyerno para sa kanilang pag-aaral sa PMA na isa sa mga estratehiya ng administrasyon para malabanan ang kahirapan ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng kalidad na edukasyon. (Rudy Andal)