Kidnaper ng ICRC volunteers: Parad, 2 pang ASG nasapul sa encounter

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang napa­tay si Abu Sayyaf Commander Albader Parad at dalawa pa nitong tauhan matapos makasagupa ka­hapon ng umaga ang tropa ng Philippine Marines sa Indanan, Sulu nitong Lu­nes ng umaga.

“Commander Parad was fatally hit, hindi na gumagalaw si Parad, our snipers believed he was killed, two of his men was hit too as they are attempting to retrieve Parad from the encounter site,“ ayon sa isa sa mga ground Commanders sa lugar sa isang phone interview.

Sa report ng Joint Task Force Comet na pinamu­munuan ni Major Gen. Juancho Sabban, dakong alas-10:30 ng umaga ng makasagupa ng kanilang tropa ang grupo ni Commander Parad sa Brgy. Timahu, Indanan ng lalawi­gang ito.

Nabatid na tinangka ng grupo ni Parad na tumakas sa kordon ng militar sa lugar na nagbunsod sa engkuwentro.

Bunga nito, dalawa sa mga snipers ng Joint Task Force Comet ang bumira kay Parad at sa dalawa pa nitong tauhan habang marami pa ang nasu­ga­tan. 

Ayon sa sources sa field, milagro na lamang kung mabubuhay pa si Parad gayunman, opisyal lamang nilang idedek­larang patay na ito at ang dalawa nitong tauhan sa oras na makuha ang bang­kay ng mga ito sa encounter site kung saan patuloy pa ang umaatikabong bakbakan sa lugar.

Ang grupo ni Parad ang may hawak sa miyem­bro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na sina Swiss national Andreas Notter, Eugenio Vagni, Italian at ang Pinay Engineer na si Marie Jean Lacaba na dinukot noong Enero 15 matapos na bumisita sa sanitation project ng ICRC sa Sulu Provincial Jail.

Sinabi ni AFP-Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Nelson Allaga na agad silang umalerto mata­pos na makatanggap ng intelligence report na muling pagtatangkaan ng grupo ni Parad na itakas ang mga hostages sa lugar.

Naniniwala naman ang militar na nasa mabuting kondisyon ang mga hostages matapos ang insi­dente. (Joy Cantos)

Show comments