MANILA, Philippines - Dapat pumailalim si Senador Panfilo Lacson sa lie detector test para malaman kung nagsasabi siya ng totoo sa kanyang pahayag na wala siyang kinalaman sa pagkakapaslang sa dating public relation man na si Salvador Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong 2000.
Ito ang iminungkahi kamakailan ng Balikatan People’s Alliance, isang pederasyon ng non-government organization, bilang tugon sa mga pagtatanggol ni Lacson sa sarili nito makaraang gumawa ng affidavit ang dati nitong tauhan sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force na si Cesar Mancao.
Sinabi ng tagapangulo ng Balikatan na si Louie Balbago na dapat sa harap ng publiko gawin ang lie detector test kay Lacson.
Pinuna ng Balikatan na, sa halip pagtuunan ng panahon ang trabaho bilang mambabatas, inuubos ni Lacson ang buwis ng mamamayan sa kanyang mga defensive gimmick bagaman hindi pa nalalantad ang nilalaman ng affidavit ni Mancao. (Butch Quejada/Gemma Garcia)