MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni dating Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang kasalukuyang alkalde ng lunsod na si Aldrin San Pedro na ipaliwanag sa publiko ang mga resolusyong nagbigay dito ng kapangyarihang makipagnegosasyon sa mga bangko para makapangutang sa loob ng isa’t-kalahating taon ng panunungkulan ng huli.
Ayon kay Fresnedi, maituturing na “irregular” ang pagpapatibay ng konseho ng Muntinlupa sa naturang mga resolusyon na ang kukuning utang ay hindi naman gagamitin at sasabihin pang ang utang lang ng lunsod ay P894 milyon. Inihalimbawa ni Fresnedi ang Resolution No. 07-008 na nagbigay ng karapatan kay San Pedro na mangutang ng P1.5 bilyon sa bangko para sa pagpapatayo ng bagong city hall ng Muntinlupa.
Pero pinuna ni Fresnedi na hindi naman nagpagawa ng bagong city hall at sa halip, ipinakumpuni lang umano ang kasalukuyang gusaling ginagamit ng pamahalaang-lunsod. (Butch Quejada)