SEC official suspendido!
MANILA, Philippines - Mistulang sinuspinde na rin sa tungkulin si Securities and Exchange Commission (SEC) Commissioner Jesus Martinez, matapos utusan kahapon ni Pangulong Arroyo na magbakasyon o mag-leave of absence kasunod ng pagkaka bunyag kamakalawa na tumanggap ito ng suhol mula sa Legacy Consolidated Plans.
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, inatasan na rin ng Pangulo ang Presidential Anti-Graft Commission at Department of Justice na simulan na ang imbestigasyon kay Martinez bago pa man ito magretiro sa darating na Martes.
Sakaling mapatunayan ang alegasyon laban kay Martinez na tumanggap ito ng suhol hindi umano ito makakatanggap ng benepisyo sa gobyerno.
Dalawang dating opisyal ng Legacy ang nagbunyag kamakalawa sa Senado na tumanggap si Martinez ng P9 milyong house and lot at Ford Expedition mula sa may-ari ng Legacy na si Celso delos Angeles, para mapangalagaan ang interes ng kumpanya.
Nagpalabas na rin ng hold departure order si Justice Secretary Raul Gonzalez laban kay Martinez upang maharap nito ang mga akusasyon laban sa kanya.
Sinabi ni Gonzalez na pipigilang makalabas ng bansa si Martinez upang masagot at harapin nito ang mga reklamo laban dito.
Inihahanda naman ni Senate President Juan Ponce Enrile ang isang panukalang resolusyong nananawagan na magbitiw sa puwesto ang lahat ng opisyal ng SEC kabilang ang tagapangulo nitong si Fe Barin.
Ayon kay Enrile, dapat linisin ng Pangulo ang buong SEC at hindi lamang si Martinez ang dapat matanggal sa puwesto.
Ipinahiwatig din ni Enrile na namemeligrong matanggal sa puwesto si delos Angeles bilang alkalde ng Sto. Domingo, Albay kapag napatunayang ginamit nito ang pondo ng Legacy para sa kampanya nito sa halalan noong 2007.
Masyado aniyang malaki ang P38 milyon para itustos sa kampanya ni de los Angeles para sa mahigit na 20 libong botante ng Sto. Domingo.
Samantala, tahasang pinasinungalingan ni Parañaque Rep. Eduardo Zialcita ang mga alegasyon na uma no’y may kaugnayan siya sa Legacy.
“Hindi ako kailan man naging consultant nila o kaya’y kinonsulta nila,” mariing tinuran ni Zialcita. “Hindi rin ako personal na tumang gap ng tseke o pondo mula sa mga kumpanya na bumubuo sa Legacy.”
- Latest
- Trending