MANILA, Philippines - Sibak sa serbisyo ang isang Hukom mula sa Olongapo matapos umano itong mangotong ng halagang P30,000 kapalit ng isang annulment case.
Sa 28-pahinang desisyon, dinismis ng Supreme Court (SC) en banc si Olongapo Regional Trial Court (RTC ) branch 73 Judge Renato Dilag dahil sa gross misconduct, gross ignorance of the law or procedure at gross negligence and inefficiency.
Si Dilag ang orihinal na may hawak ng kasong rape ni Lance Corporal Daniel Smith at tatlo pang Ameri kanong sundalo na nanggahasa kay Nicole.
Subalit nag-inhibit si Dilag sa kaso dahil isa umano sa kanyang anak ay nagta-trabaho sa law office ng isa sa abogado ng mga Amerikanong sundalo.
Bukod kay Dilag, nasibak din sa serbisyo si Court Stenographer Concepcion Pascua dahil sa graft and corruption.
Bilang parusa sa dalawa hindi na sila maari pang pumasok sa anumang posisyon sa gobyerno at pagkumpiska sa lahat ng kanilang retirement benefits.
Nag-ugat ang kaso mula sa reklamo ni Nilda Verginesa-Suarez at inakusahan sina Dilag at Pascua ng pagtanggap ng halagang P30,000 kapalit ng pag-aksyon at pagpabor nito sa isang annulment case.
Si Pascua ang siya umanong kumulekta ng halagang P30,000 na binayaran ng magkabilang partido.
Dahil sa reklamo kaya nagsagawa ng imbestigasyon ang Office of the Court Administrator (OCAD) at nadiskubre ang mga iregularidad sa desisyon ng mga annulment cases na ginawa ng hukom. (Gemma Amargo-Garcia)