'Impeachment' laban sa Ombudsman

Isinampa kahapon ni dating Senate President Jovito Salonga at ng may 31 civil society lea­ders sa House of Representatives ang kasong impeachment laban kay Ombudsman Mercedi­tas Gutierrez dahil sa uma­no’y kawalang-ak­syon nito at kapalpakan sa ilang malalaking kaso.

Inindorso ni Akbayan Rep. Rizza Hontiveros Ba­raquel ang reklamo na por­mal na inihain sa tanggapan ng secretary general ng mababang kapulungan na si Marilyn Barua Yap.

Sinasabi sa 33 pa­hinang reklamong ini­hain ni Salonga at ng mga pribadong aboga­do, dating opisyal ng pamahalaan at ng ilan pang personalidad na kasama sa civil society na tinalikuran ni Gutier­rez ang tiwala ng publiko at nilabag nito ang 1987 Constitution.

Binanggit sa reklamo ang maling pagtangan ni Gutierrez sa Mega Pacific at corruption case la­ban kay dating Commission on Elections Chairman Benjamin Aba­los, reklamo ng World Bank sa tatlong Filipino cons­ truction firm na sangkot sa anomalya sa ilang proyekto, P728 milyong fertilizer fund scam, ka­song pangingikil laban kay dating Justice Secretary Hernando Perez at sa euro general scandal.

Binatikos naman ni Gutierrez ang impeachment complaint sa pag­ papahiwatig na isa itong uri ng pamumulitika.

Noong nakaraang linggo lang anya, isi­nampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang kasong graft laban kay dating Bukidnon Congressman Nereus Acos­ta na tumatayo rin bilang bise presidente ng Libe­ral Party na kinabibi­langan din ni Salonga.

“Ako po ay gumaga­nap sa aking tungkulin at ako po ay napopolitika at latest na na-file-an na­min ay si Congressman Acosta,” sabi ni Gutier­rez sa isang panayam.

Dumistansiya ang Malacanang sa inihaing impeachment complaint laban kay Gutierrez.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez, ang paghahain ng impeachment ay bahagi ng de­mo­krasya sa bansa at ipinauubaya na ito ng Palasyo sa Kongreso.

Show comments