MANILA, Philippines - Bibigyan ng pansamantalang trabaho ng Social Security System ang nasa 2,000 estudyanteng anak ng mga manggagawang natanggalan ng trabaho upang makatulong sa kanilang pamilya ngayong “summer”.
Sinabi ni SSS President Romulo Neri na pangu nahing layunin nito na kahit papaano ay makatulong ang mga anak sa kanilang mga magulang ngayon.
Tatanggap ng “minimum” na suweldo ang mga estudyante sa loob ng dalawang buwan na itatagal ng naturang proyekto.
Kabilang sa mga kuwalipikasyon ang mga estudyanteng may sarili nang SSS account, mga anak o pamangkin ng mga miyembro ng SSS na natanggal sa trabaho, may edad 18-35 anyos, naka-enroll sa alinmang semester ng kasalukuyang school year, at may alam sa operasyon ng computer.
Maaaring makapagsumite ng aplikasyon ang mga interesadong aplikante sa manager’s office ng alinmang sangay ng SSS. Iprisinta ang kanilang birth certificate, balidong school id, medical certificate, at proof of separation mula sa dating employer ng kanilang mga magulang. (Danilo Garcia)