MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na hindi matuloy ang automated poll kung hindi aaprubahan ng Kongreso hanggang Abril 1 ang P11 bilyong budget ng Commission on Election.
Ito ang binitiwang pahayag ni Comelec Spokesman James Jimenez sa kanyang pagdalo sa isang pulong balitaan kasabay ng pahayag na ang automated poll ay isang “legacy” na gustong iwan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“Walang mangyayaring computerized election, defenitely balik manual election tayo kapag hindi pa naaprubahan ang budget hanggang sa Abril 1,” ayon kay Jimenez.
Sinabi ni Jimenez na hindi ibibigay ng kongreso ang hinihingi nilang budget kung hindi maamiyendahan ang Republic Act 9369 na kilala bilang election law.
Naniniwala si Jimenez na dahil sa “bargaining position” ng Kamara ay malaki ang tsansa na hindi na matuloy ang automated poll dahil na rin sa sistema ng kongreso sa pag-aamiyenda ng isang batas. Ipinaliwanag ni Jimenez na masyado nang gahol sa panahon.
“God bless him, kinawawa nila ang sambayanan, na nagnanais na magkaroon ng malinis na halalan sa 2010 Presidential election. Noon pang Nobyembre 2008, naibi gay sa kanila ang proposal namin at maraming factor ang ikinukunsidera sa paghahanda ng isang computerized election,” ayon kay Jimenez. (Doris M. Franche)