SUBIC BAY FREEPORT, Philippines - Puwedeng magsama ang pag-unlad at pagpreserba sa kalikasan.
Bitbit ang katwirang ito, nanawagan ang iba’t ibang professional associations, kabilang ang pinakamalaking grupo ng arkitekto sa bansa, sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na magsagawa ng patas na pagsilip sa panukalang hotel-casino project sa free port.
Sa isang manifesto, hiniling ng Council for Built and Natural Environments (CBNE), na binubuo ng siyam na professional organizations, na kailangang bigyan ng ikalawang pagsilip ang proyekto upang magkaroon ng patas at matalinong pagsusuri sa sitwasyon.
Inilabas ng grupo ang manifesto matapos magsagawa ng sariling fact-finding mission sa panukalang site ng Ocean 9 hotel-casino project noong February 5, 2009 kung saan napag-alaman nila na walang punong pinutol o pinabagsak, taliwas umano sa bintang ng urban planner na si Felino Palafox Jr.
Ang Ocean 9 hotel-casino project na ipinanukala ng Korean firm na Grand Utopia ay nabimbin mula pa noong November 2008 matapos mag-ingay si Palafox na magreresulta ito sa pagkasira ng 300 puno, kabilang ang umano’y daan-taon nang mga puno sa napiling project site.
Napatunayan sa fact-finding mission ng grupo na ang panukalang hotel-casino project site ay sakop pa ng commercial district ng Subic, at walang natural forest sa nasabing project site at walang pinutol o pinabagsak na kahit isang puno.
Ayon sa grupo, dahil sa alegasyon ni Palafox ay nagkaroon ng masamang senyales na pinababayaan ang kalikasan pabor sa pag-unlad. (Butch Quejada)