EDSA inisnab ni GMA, sa job fair nagpunta
Sa halip na makiisa sa selebrasyon ng ika-23 anibersaryo ng Edsa 1 people power revolution, mas pinili ni Pangulong Arroyo na makiisa sa daang mamamayang naghahanap ng trabaho sa isinagawang job fair sa Philippine Overseas and Employment Agency (POEA) sa Mandaluyong City kahapon.
Tuloy, mistulang nilangaw ang ginanap na selebrasyon dahil mas nangibabaw pa ang dami ng mga pulis kaysa sa mga mamamayang magse-celebrate nito kaya natapos ng maaga ang selebrasyon.
Base sa impormasyon, tanging mga miyembro ng Eastern Police District Office (EPD) ang nasa Edsa shrine kung saan sa kabila ng kawalang suporta ng mga mamamayan ay mahigpit na nagbantay sa naturang bantayog laban sa nagtatangkang manggulo dito.
Pangunahing pinaghandaan ng EPD ang seguridad sa inaasahang pagdalo sana ni Pangulong Arroyo sa nasabing okasyon.
Present naman sa okasyon sina Vice Pres. Noli de Castro, dating President Fidel V. Ramos, Senate President Juan Ponce Enrile at Senator Gringo Honasan, Executive Secretary Eduardo Ermita at MMDA Chairman Bayani Fernando.
Hindi naman naitago ni dating Pangulong Ramos ang kanyang hinanakit sa hindi pagdalo sa pagtitipon ni Pangulong Arroyo at ang pag-alis agad ni VP de Castro matapos ang flag ceremony.
Sinabi ni Ramos na hindi anya katwiran na may mahalagang pagpupulong o pupuntahan ang Pangulo dahil wala na anyang mas mahalaga pa sa selebrasyon ng Edsa-1.
Hindi daw dapat balewalain ang pagdiriwang ng mga mahahalagang araw sa kasaysayan ng bansa, ang araw ng kalayaan noong 1986 at ang araw ng kagitingan noong 1942.
Kung may nadismaya sa matumal na selebrasyon, maraming motorista naman ang nainis dahil sa matinding trapik bunga ng pagsasara ng kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue hanggang Ortigas Ave.
Samantala, sa job fair ay nakipag-usap ang Pangulo sa mga sinibak na OFWs kung saan pinagkalooban ang mga ito ng P50,000 livelihood loans para makapagsimula ng kanilang pina-planong negosyo.
Ikinatuwa din ng Pangulo na malaman sa mga job seekers na ilan sa mga ito ay agad na nakuha bilang service crew para sa Dunkin Donuts sa Dubai habang ang iba naman ay sa construction firm sa Kuwait.
- Latest
- Trending