MANILA, Philippines - Nangako kahapon si dating Philippine National Police Comptroller ret. Police Director Eliseo de la Paz na maibabalik na niya sa account ng PNP ang P6.9 M cash advance o katumbas na 105,000 Euros na nasamsam rito sa Russia noong Oktubre ng nagdaang taon.
Ayon kay dela Paz, pinakahuling naging problema nila sa paglilipat ng pera ang pagpasok ng tax revenue department ng Russia.
Sinabi ng retiradong heneral na pinatawan sila ng halos 37 porsyentong buwis sa naturang pera na nasa bank account ngayon ng kanyang Russian lawyer na si Alex Benitskiy.
Matapos anyang mailipat ang pera sa account ni Benitskiy, nahirapan silang humanap ng bangko sa Pilipinas na tatanggap ng naturang halaga bago ilipat sa account ng PNP. Gayunman, naresolba ito sa pamamagitan ng unti-unti na lamang sanang paglilipat ng naturang halaga sa local account sa Pilipinas bago tuluyang ibalik sa account ng PNP. (Joy Cantos)