Pagbasura sa VFA giit ng senador
Naghain kahapon si Senador Francis Pangilinan ng isang resolusyon na nananawagan na ipawalambisa ang Visiting Forces Agreement ng Pilipinas at ng Estados Unidos.
Pinuna ni Pangilinan sa kanyang Resolution 892 na, alinsunod sa isang desisyon ng United States Supreme Court, walang bisa sa U.S. ang VFA kaya ang tratado ay labag sa Konstitusyon ng Pilipinas.
Isinampa ni Pangilinan ang resolusyon sa gitna ng kontrobersya sa isang ruling ng Philippine Supreme Court na dapat nakakulong sa pasilidad ng Pilipinas at hindi sa U.S. Embassy ang sundalong Amerikanong si Lance Corporal Daniel Smith na nasentensyahang makulong dahil sa panggagahasa sa isang Pilipina.
Nakiayon din kay Pangilinan si Senador Rodolfo Biazon na nagsabing dapat suspendihin ang VFA para maging patas sa Pilipinas habang dinidesisyunan kung saan dapat makulong si Smith.
Tinutulan ng Malacanang ang panawagan nina Pangilinan at Biazon. Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde na hindi dapat humantong sa pagbasura sa VFA ang usapin kay Smith. Dapat anyang unawain ang lahat ng proseso kasabay ng pagtitiyak na gagawin ng Malacañang ang lahat para mangibabaw ang so beranya ng Pilipinas. (Malou Escudero at Rudy Andal)
- Latest
- Trending