MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army na target nila ngayon na likidahin na si retired Major General Jovito Palparan sa sandaling tumuntong ito sa Mindanao.
Sa inilabas na pahayag sa internet, kinumpirma ni Ka Paking ng Ruimbaolibot Red Partisan Brigade ng Merardo Arce Command na naghihintay na ang kanilang “liquidation squad” para isagawa ang paglikida sa dating heneral sa oras na magtungo ito partikular sa timog Mindanao.
Sinabi pa ni Ka Paking, na ang posibleng appointment kay Palparan sa anumang anti-drug body ng pamahalaan ay nangangahulugan lamang ng mga panibagong kaso ng human rights violations.
Magugunitang ibinibintang kay Palparan ang ilang kaso ng pagpatay sa mga militante noong aktibo pa ito sa Armed Forces of the Philippines.
Iginiit ng rebeldeng grupo na sa ngayon ang death squad sa Davao City ang namamahala sa mga paglikida sa mga ordinary petty drug pushers o mga hinihinalang drug addicts sa lungsod.
Subalit sa posibilidad anila ng pagpasok ni Palparan sa lungsod, maaring maging ang mga ordinaryong tao ay posibleng ipalikida nito upang masabing may ginagawa siya sa pagtupad sa tungkulin.
Kinumpirma naman kamakailan ni Philippine Drug Enforcement Agency Director General Dionisio Santiago Jr. na inirekomenda niya kay Pangulong Arroyo na sumama sa kanilang kampanya sa iligal na droga si Palparan dahil sa subok na nito ang dedikasyon sa serbisyo. Ngunit hanggang sa ngayon, hindi pa malinaw kung sa PDEA o sa Dangerous Drugs Board uupo si Palparan.
Una nang tinukoy ng PDEA ang nagaganap na “narco-terrorism” sa bansa kung saan hawak ng mga rebeldeng grupo ang mga plantasyon ng marijuana at mga laboratoryo ng iligal na droga. Tinukoy rin ng ahensya ang Marilog at Paquibato Districts sa Davao City na may mga plantasyon umano ng marijuana. (Danilo Garcia)