MANILA, Philippines - Inangalan kahapon ng militanteng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang plano ng Malakanyang na magpatupad ng wage increase moratorium sa mga manggagawa, bunsod ng nararanasang krisis pampinansyal ng mundo, kabilang na ang Pilipinas.
Ayon kay KMU spokesperson Prestoline Suyat, mas dapat pa ngang itaas ang sahod ng manggagawa sa ngayon dahil sa krisis, lalo pa’t dito lamang sila umaasa at kanilang pamilya upang mabuhay.
“Sa NCR lamang, batay sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang P382 na nominal minimum wage ay may purchasing power lamang na P246.77 sa kasalukuyan. Ang cost of living ay mahigit P900 na upang mabuhay ng disente ang pamilya ng mangga gawang may anim na miyembro,” ayon kay Suyat.
Idinagdag din ni Suyat na sa panahon ng krisis, mas dapat bigyan ng dagdag sahod ang mga manggagawa, dahil sinasamantala lamang ng ibang kapitalista ang nagaganap umanong krisis.
Anang grupo, hindi naman sila tulad ng mga kapitalista na sobra-sobra ang pera, may ari-arian at alahas na maaaring ibenta sakaling maubusan ng pera.
“Kami, wala kundi ang maging biktima ng mga pautang na 5-6 at bawasan ng dalawang beses ang pagkain sa isang araw upang makapasok muli sa trabaho kinabukasan,” dagdag pa ni Suyat. (Doris Franche)