Presidente ng Hanjin ipapaaresto

Handang ipaaresto ni Sen. Jose “Jinggoy” Es­ trada ang presidente ng Hanjin Heavy Industries Corp.- Philip­pines (HHIC) na si Jeong Sup Shim kung hindi ito dadalo sa hearing ng ko­mite sa Miyer­kules kaug­nay sa pagka­matay ng mga trabahador sa gina­gawang gusali ng kanyang kom­panya sa Subic Bay Free­port sa Zambales.

Ayon kay Senate Pre­sident Pro Tempore Jing­goy Estrada, maraming dapat ipaliwanag si Shim kaya dapat itong dumalo sa hearing at linawin kung bakit maraming naaaksi­dente sa nasa­bing kom­panya.

“Hindi pwede iyon. Pag hindi siya pumunta sa aming hearing on Wednesday, ipaparesto namin siya. Nakita ko yung president nila sa Subic, ‘I told him see you on Wed­nesday,’ and he replied, ‘Yes sir,’”ayon kay Es­trada.

Tinukoy ni Estrada ang kawalan ng seguri­dad sa kaligtasan ng mga mang­ga­gawa doon sa isi­na­ gawa nitong inspek­siyon noong Huwe­bes. Takot din ang mga mang­gagawa na mag­salita sa grupo ni Estrada at sine­senyasan ito ng mga opisyal na Ko­reano.Sa obserbasyon ni Estrada, isang doctor at isang dentista ang nasa klinika mula 8 am hang­gang 5 pm lamang, at hindi lahat ng mangga­gawa ay may mga helmet.

Nasa P303 kada araw lamang din umano ang tinatanggap na sahod ng mga trabahador dito na mas mababa sa itinak­dang P310 minimum wage.

“All of these allegations from their workers demand explanation from Hanjin officials. These are very serious charges, some even violating the Labor Code,” ani Estrada.

Hindi rin mala­yang nakakapasok ang mga kinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at regional safety inspectors dahil pinag­babawalan ito ng Hanjin. (Malou Escudero)

Show comments