8 gamot sa ubo, sipon nagdudulot daw ng 'hemorrhagic stroke'

Kinalampag kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. ang Bureau of Food and Drugs kaugnay sa ipinalabas na advisory ng FDA (USA) na nag-uutos bawiin ang walong partikular na gamot na may “Phenylpropanolamine” na inuugnay sa pagtaas ng bilang ng mga nakakaranas ng ‘hemorrhagic stroke” o pagdurugo ng utak.

Sa sulat ni Pimentel kay Prof. Leticia Barbara Gutierrez na may petsang Pebrero 5, 2009, sinabi ng senador na dapat silipin ng BFAD ang nasabing advisory kung saan pinababawi ang mga gamot na kara­mihan ay para sa ubo, sipon at trangkaso.

Hiniling din ni Pimentel na agad na ipaalam sa kanya kung totoo ang nasabing advisory ng FDA ng Amerika.

Ang mga gamot na nabibili lamang sa mga botika kahit walang reseta ng doctor ay ang Alkazeltzer, Dimetapp, Robitussin, Dexatrim, Bioflu, Neozep, Sinutab at Decolgen.

Kalimitan umano sa mga nagiging biktima na nakaranas ng hemmorhagic stroke ay mga kababaihan na may edad na 18 hanggang 49 at seizures naman sa mga bata.

Ipinunto ng Senador na mahalagang mapanga­lagaan ang kalusugan ng mga mamamayan lalo pa’t dumarami na ang mga produktong may mga sangkap na hindi ligtas kainin katulad ng kontrobersiyal na mela­mine na inihahalo sa gatas. (Malou Escudero)

Show comments