Binigyan lamang ng hanggang Abril ng kasalukuyang taon na palugit ng National Police Comission (Napolcom) si dating PNP comptroller ret. Gen. Eliseo dela Paz para isauli ang 105,000 euros o P6.9 milyon sa pamahalaan na unang pinigil ng Russian authorities noong Oktubre 2008.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno na siya ring Napolcom chairman, mapipilitan sila na singilin si dela Paz kung hindi maisasauli ang naturang pera sa takdang panahon.
Nabatid na pinigil na rin ng Napolcom ang lahat na retirement benefits ni dela Paz.
Una ng sinabi ni Atty. Noel Malaya na nasa bank account na ni Atty. Alexie Binetskiy, abogado ni dela Paz sa Russia, ang naturang pera.
Gayunman, responsibilidad umano ni dela Paz na maibalik sa kaban ng pamahalaan ang naturang halaga ng walang labis at kulang sa itinakdang palugit dito. (Rose Tesoro)